-- Advertisements --

Kinalampag ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang Commission on Elections (Comelec) na tuluyan nang ibasura ang pagtanggap ng mga lagda at lahat ng iba pang proseso na may kaugnayan sa People’s Initative (PI) bilang pamamaraan sa pag-amyenda ng 1987 Philippine Constitution. 

Ang panawagan ni Hontiveros ay sa gitna ng pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes para talakayin ang Resolution of Both Houses (RBH) 6, na nagmumungkahi ng mga pag-amyenda sa ilang economic provisions ng Konstitusyon.

Una rito, noong Enero 26, sinuspinde ng Comelec ang lahat ng proseso na may kaugnayan sa pangangalap ng mga pirma, kabilang ang pagtanggap sa mga signature sheet na isinumite ng People’s Initiative Reform Modernization Action (PIRMA), ang nangungunang organisasyon sa likod ng signature drive na nananawagan para sa Cha-cha, dahil sa kakulangan ng sapat na mga procedures upang harapin ang patuloy na proseso ng PI.

Habang nanindigan si Hontiveros na mananatiling mapagbantay laban sa mga panukala sa ilalim ng Resolution of Both Houses no. 6 na posibleng makapagpahina sa demokrasya ng bansa, ipinagtanggol ni Hontiveros ang kanyang posisyon laban sa economic Cha-cha bilang solusyon upang matugunan ang mga problema sa ekonomiya ng bansa.

Tinukoy ni Hontiveros ang mga tunay na hamon na humahadlang sa foreign at local investment ito ay ang katiwalian, red tape, burukrasya at mataas na halaga ng kuryente—mga hadlang na aniya ay hindi dapat isisi sa 1987 Constitution. 

Sa katunayan, aniya, mayroon nang mga batas at nakabinbing batas na naka-target na gawing liberal ang ekonomiya. Kabilang sa mga ito ang RA 10641, o mga pagbabago sa Foreign Bank Liberalization Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act at Foreign Investments Act.

Pinabulaanan pa niya ang pahayag ng mga tagapagtaguyod ng Cha-cha na ang Konstitusyon ay “masyadong mahigpit” at inihambing ang mga dapat na paghihigpit sa Singapore, na ang ekonomiya ay patuloy na umuunlad sa kabila ng mahigpit na restriction sa mga critical industries and public utilities.