-- Advertisements --
image 79

Ipinag-utos ng Comelec ang administratibong imbestigasyon laban sa election officer sa Masbate para sa posibleng insubordination.

Nag-ugat ang hakbang na ito ng poll body mula sa umano’y kabiguan ni Magdie Moran, Election Officer IV ng bayan ng Aroroy sa Masbate, na tanggalin ang pangalan ng isang nadiskwalipikang kandidato mula sa certified list ng mga kandidato para sa Barangay at SK elections noong Oktubre 2023.

Inatasan kasi si Moran na kanselahin ang kandidatura ng isang Aniano Pancho Capinig na tumatakbo bilang Punong barangay sa Barangay Cabas-an, Aroroy.

Ito ay kasunod ng pagdiskwalipika ng Comelec 2nd division kay Capinig dahil sa nakalipas na conviction nito para sa paglabag ng Section 31 ng Republic Act No. 10591 o Ilegal Possession of Firearms.

Sa katatapos na lokal na halalan, nakakuha si Capinig ng pinakamataas na bilang ng boto para sa barangay kapitan subalit kalaunan ay idineklara ng Comelec bilang stray votes o walang bisa. Kayat ang kandidato na nakakuha ng pinakamataas na bilang ng boto ay iproproklama bilang kapitan.

Ayon kay Comelec chair Garcia, sakaling mapatunayang liable ang election officer na si Moran ay tatanggalin ito sa pwesto dahil sa gross insubordination.