Aabot sa 52 percent ang voter turnout sa isinagawang overseas internet voting test run ng Commission on Election (Comelec).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Comelec – Office for Overseas Voting (OFOV) Director Sonia Bea Wee-Lozada na umaasa silang ganito rin ang magiging resulta sa May 2022 elections mismo.
Ayon kay Lozada, “promising” ang resulta ng isinagawa nilang overseas internet voting test run dahil sa mga nakalipas na halalan hindi naman lumalagpas sa 50 percent ang datos.
Sinabi ng poll body na 669 qualified test voters na nakapagparehistro ang nakibahagi sa naturang aktibidad.
Sa naturang bilang 348 ang actual voters, o katumbas ng 52 percent voter turnout.
Nabatid na Setyembre 11 hanggang 13 isinagawa ang unang test run para sa overseas internet voting gamit ang voting system na Voatz.
Bagama’t hindi pa naglalabas ng kanilang official assessment sa naturang aktibidad ang Comelec, sinabi ni Lozda na nakikita niyang efficient, convenient, at safe ang sistema na kanilang ginamit.










