Hinihintay pa rin ng Commission on Elections (Comelec) ang magiging tugon ng gobyerno ng China hinggil sa kanilang kahilingan na magsagawa ng overseas special elections sa Shanghai.
Ito ay sa gitna pa rin ng mahigpit na pagpapatupad ng lockdown sa nasabing bansa ng dahil sa mataas na bilang na mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Comelec acting Spokesperson John Rex Laudiangco, sa ngayon ay nanghingi na ang komisyon ng pahintulot sa China upang magsagawa ng botohan sa Shanghai ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na tugon mula dito.
Aniya, sa magiging desisyon ng nasabing bansa nakasalalay ang kanilang pagsasagawa ng special elections doon na mayroong 1,991 na mga rehistradong Filipino overseas voters sa Shanghai.
Samantala, tiniyak naman ni Laudiangco sa lahat na agad nilang iuulat sa oras na matanggap na nila ang sagot ng China ukol dito.