-- Advertisements --

Pinangalanan ni Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta si Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia na nakalista umanong may-ari ng 2 offshore bank account sa Cayman Islands.

Bilang patunay sa alegasyon ng mambabatas, iprinisenta niya ang mga kopiya ng mga resibo ng transaksiyon ng bank transfer sa isang press conference kaugnay sa inihaing House resolution para imbestigahan ang kontrata ng Comelec at Miru.

Para masuri, ti-nap nila ang kanilang volunteers doon sa New York, USA para maglipat ng 100 dolyar sa 2 offshore bank accounts na pagmamay-ari umano ni Garcia. Dito, nakita na nakalagay sa mga resibo na mula sa Chase for Business ay nasa ilalim ng pangalang George Erwin Mojica Garcia ang naturang offshore bank accounts.

Pagbubunyag pa ng nasabing mambabatas na nanggaling ang resibo mula sa platform ng isang institusyon na nakabase sa Amerika, isang respetadong bangko na tinatawag na JP Morgan Chase & Company kayat maituturing umano na totoo at hindi tampered ang transaction records mula sa Chase for Business.

Samantala, sinabi din ng mambabatas na naghain siya ng House Resolution 1827 na naglalayong imbestigahan ang umano’y deposits na natanggap ng Comelec official para sa posibleng paglabag ng sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).

Ginawa ni Marcoleta ang naturang rebelasyon halos isang buwan ang nakakalipas mula nang una nitong ibunyag na nasa P1 bilyong halaga ng pondo ang inilipat umano mula sa iba’t ibang mga bangko kabilang na ang bangko na nakabase sa South Korea papunta sa 49 offshore bank accounts na iniuugnay sa isang Comelec official.

Bagamat hindi pinangalanan noon ni Marcoleta ang pagkakakilanlan ng Comelec official sa kaniyang press conference noong July 9, sinabi ni Comelec chairman Garcia na siya ang tinutukoy ng mambabatas sa kaniyang expose, bagay na nauna ng itinanggi ng poll body chief.

Samantala, sinusubukan ng Bombo Radyo na makunan ng reaksiyon si Comelec chairman Garcia kaugnay sa panibagong akusasyon ni Marcoleta.