-- Advertisements --
comelec

Ikinokonsidera ngayon ni Commission on Elections Chairman Goerge Garcia na magpatupad ng indifinite suspension sa voter registration ng mga Pilipino sa Israel para sa 2025 midterm elections sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa nasabing bansa.

Ayon sa Comelec chair, irerekomenda niya ito sa Comelec en banc bukas sa kabila pa ng muling pagbubukas ng Embahada ng Pilipinas sa Israel base sa report na natanggap ng poll body kahapon.

Paliwanag ni Garcia na mahirap ipagsapalaran ang buhay ng mga kababayan nating Pilipino sa nasabing bansa dahil hindi pa maayos ang sitwasyon ngayon.

Ang voter registration para sa mga botanteng Pilipino sa ibang bansa para sa halalan sa 2025 ay nagsimula noon pang Disyembre 12, 2022 at magtatagal ng dalawang taon o hanggang sa 2024.

Sakali man aniyang matuloy na masuspendi ang voter registration sa Israel, sinabi ni Garcia na papalawigin pa ito kung kinakailangan.

Sa kasalukuyan ayon kay Garcia, mayroong 2,000 bagong botanteng Pilipino ang nakapagrehistro sa Israel kung saan inaasang tataas pa sa oras na matuloy na ang internet voting para sa overseas absentee voting.