-- Advertisements --
Comelec building 2022 05 26 01 04 03

Nagpahayag ng pagiging bukas ang Commission on Elections (Comelec) na pag-aralan ang mga panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Negros Oriental.

Ito’y kaugnay ng mga nangyayaring pamamaslang na nauugnay sa umano’y usaping pulitika.

Sa maikling pahayag, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na may “power” ang poll body na itigil ang BSKE elections sa nasabing lugar kung kinakailangan.

Gayunman, sinabi ni Garcia na dapat sundin ang probisyon ng batas kung gagawin ang naturang aksyon.

Mayroong mahigpit na mga kinakailangan ng batas at aniya, hanggang 30 araw lamang ang sinasabing postponement.

Batay sa Omnibus Election Code, ang poll body, alinman sa pamamagitan ng motu proprio o sa isang na-verify na petisyon ng sinumang interesadong partido, ay maaaring ipagpaliban ang mga halalan sa anumang political subdivision.

Iginiit ni Garcia na maaaring ideklara ang pagpapaliban kung mayroong anumang seryosong dahilan tulad ng karahasan, terorismo, pagkawala o pagkasira ng mga kagamitan o anumang bagay na makakahadlang sa pagkakaroon ng maayos at mapayapang halalan.