-- Advertisements --

DAVAO CITY – Ipapatupad na ng Davao City Police office (DCPO) ang color coding scheme ng Food and Medicine Pass o FM pass.

Kinumpirma ni DCPO spokesperson Captain Rose Aguilar na simula bukas Abril 17, 2020 ipapatupad na ng kapulisan ang naturang sistema upang ma kontrol ang paglabas ng mga residente sa kasagsagan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Inihayag ni Captain Aguilar, na ang mga FM pass na mayroong control number na nag-uumpisa sa mga numerong 1, 3, 5, 7 at 9 ang naka-classify bilang COLOR RED, ay papayagan lamang na makalabas ng bahay sa mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Habang ang mga FM pass naman na mayroong control number na nagsisimula sa mga numerong 2, 4, 6, 8, at 0 ay maari lamang makalabas ng bahay sa mga araw ng Martes, Huwebes at Sabado.

Samantala, walang FM pass na pinahihintulutang makalabas sa araw ng Linggo.

Ibig sabihin, lahat ng mga tao ay dapat nasa loob lamang ng kani-kanilang mga bahay sa naturang araw o ipapatupad ang “STAY AT HOME”.

Dagdag pa ni Aguilar na ang sino mang lalabag nito sa ilalim ng RA 11332 ay kanilang aarestuhin at kakasuhan.

Ipinatupad ang color coding matapus magalit si Mayor Sara Duterte-Carpio sa dami ng mga pribadong sasakyan na kanyang nakita sa daan kahit sa panahon ng ECQ.

Matatandaan na umpisa rin kahapon, i-pwenesto na sa mga kalsada ang mga heavy equipment at tangke de gyera laban sa mga pasaway na mga motorista.