-- Advertisements --

Nagsagawa ng ground validation ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Sarangani kaugnay ng napaulat na coastal uplift sa baybayin ng Glan, Sarangani matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa lalawigan at mga karatig na lugar.

Ayon sa ulat ng DENR Soccsksargen nitong Linggo, Hunyo 14, iniulat ng ilang residente sa Sarangani Bay Protected Seascape (SBPS) Protected Area Management Office (PAMO) na nananatiling mababa ang lebel ng dagat sa ilang bahagi ng baybayin matapos ang pagyanig, at hindi na umano ito bumalik sa normal na antas.

Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasang naapektuhan ng lindol ang ilang shoreline areas kung saan na-expose ang bahagi ng baybayin, kabilang ang coral reefs at seagrass beds.

Iniulat din ng mga residente ang pagkamatay ng ilang marine organisms tulad ng reef fishes, eel, clam, at iba pang shellfish, na ikinababahala ng komunidad dahil sa posibleng epekto nito sa ekosistema ng lugar.

Bilang tugon, nagpakilos na ang SBPS PAMO upang mag-deploy ng mga Protected Area Rangers para sa dokumentasyon ng mga apektadong lugar at posibleng katulad na insidente ng coastal uplift o habitat damage sa Sarangani Bay.

Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang bumuo ng composite team na magsasagawa ng masusing scientific study sa Hunyo 16, 2026.