-- Advertisements --
COA

Hindi kinatigan ng Commission on Audit (COA) ang petisyon para sa P3.1 million retirement benefits ng isang police officer na hinatulang guilty sa kasong grave miscounduct noong 2015 at na-dismiss sa serbisyo.

Ito ay ang petisyon ni Police Supt. Joselito T. Sta. Teresa na nakasuhan at hinatulang guilty sa kasong grave misconduct dahil sa pagpalsipika ng mga lagda ng iba pang mga police personnel sa paghahain ng kaso sa Pasay City regional trial court (RTC).

Sinabi ng COA na ang grave misconduct ay isang grave offense o mabigat na pagkakasala sa batas na may kaakibat na parusa na pagkakatanggal sa serbisyo gayundin ang kanselasyon ng eligibility, perpetual disqualification mula sa public office, pagbabawalang makapag-take ng civil service examinations kabilang ang forfeiture ng retirement benefits.

Una rito, bago ma-dismiss sa serbisyo, naghain ng aplikasyon si Sta. Teresa para sa optional retirement na inaprubahan naman ng National Police Commission (Napolcom) noong Nov. 14, 2014 sa kondisyon na ito ay hindi makakaapekto sa pagpapatuloy ng criminal / administrative proceedings laban sa kaniya.

Subalit, sa inilabas na desisyon noong Nov. 23, 2015 ng Philippine National Police (PNP) napatunayan na si Sta. Teresa at pitong iba pa ay guilty ng grave misconduct at dinismiss sa serbisyo.