Hindi pa rin nagsisimula ang clinical trial sa bansa ng Japanese anti-flu drug na Avigan, bilang treatment sa COVID-19 patients.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hanggang ngayon ay hindi pa pinal ang budget para sa siyam na buwang itatakbo ng trial.
“Hindi pa nag-uumpisa, supposedly it was set to start last August 17, but there had been a lot processes na hindi pa natatapos.”
“‘Yung ating finalized budget hindi pa na-approve kasi medyo mayroon lang kaunting discussions between UP Manila and government.”
Bukod sa pondo, hindi pa rin daw tapos ang approval ng ethics board ng mga ospital na kasali sa trial.
Mula sa apat na pagamutan, ang ethics board ng Philippine General Hospital pa lang daw ang nakakapag-approve sa naturang scientific study.
“Yung tatlong ospital inaayos pa rin hanggang sa ngayon yung kanilang ethics committee approval and we all know para ikaw ay makapag-start ng clinical trial kailangan mo ng approval ng FDA at ethics committee because we are going to implement this sa tao.”
Inaasahan ng DOH na bago mag-September 1 ay tapos na ang lahat ng proseso para sa clinical trials ng Avigan.
Bukod sa trial ng nasabing gamot, patuloy na lumalakad ang hiwalay Solidarity trial ng World Health Organization kung saan 932 pasyente na ang kasali mula sa 22 ospital.