Lumabas sa survey ng Social Weather Stations o SWS na 81% ng mga Pilipino ay naniniwalang may masamang epekto ang climate change sa mental health.
37% dito ang nagsabing “very dangerous” habang 44% naman ang nagsabing “somewhat dangerous.”
Habang ang natitira namang 19% ay hindi naniniwalang may dalang panganib ang climate change sa mental health.
Sa usapin naman ng physical health, 47% ng mga Pilipino ang sa tingin nila’y “very dangerous” ang climate change habang 42% naman ang nagsabing “somewhat dangerous.” Ang natitirang 11% ay mga respondents na hindi naniniwalang mapanganib sa physical health ang climate change.
Isinagawa ang survey noong December 8 hanggang 11 ng nakaraang taon. Ayon din sa resulta nito, 87% ng mga tinanong ay nararanasan ang impact ng climate change sa nakalipas na tatlong taon.
Lumabas din sa survey na 87% ng mga respondent ang nagsabing nakararanas sila ng negatibong emosyon dulot ng climate change.
Ang mga nangunguna rito ay ang sadness na may 56%, anxiety at fear na mayroong 43%, depression na may 16%, at anger at hopelessness na may 11%.
Mayroon namang 37% na nagsabi na nakararamdam sila ng positibong emosyon. Kabilang na rito ang patience na may 22%, at hope and calmness na parehong may 7%.
Ang SWS survey ay mayroong 1,200 na respondents at margin of error na plus/minus 2.8%.