-- Advertisements --

Naniniwala ang Civil Society Groups (CSO) na ang susi para maresolba ang isyu sa sibuyas na nararanasan ng bansa ngayon ay ang pagkakaisa.

Kaya kung seryos si Pangulong Bongbong Marcos naresolbahin ang nararanasang krisis sa sibuyas ng bansa, kailangan niyang pagkaisahin at palakasin ang lahat ng non-government organizations (NGOs) at civil society organizations (CSOs) sa bansa.

Iginiit ng Caucus of Development NGO Networks (CODE-NGO) na makatutulong ang NGOs at CSOs para maresolba ang krisis sa sibuyas at iba pang problema, gaya ng COVID-19 pandemic, kung bibigyan lang ng karampatang suporta ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Mr. Sandino Soliman, Program Officer for Advocacy ng CODE-NGO na magkakaroon ng maasahan na kakampi ang gobyerno sa pagtugon sa mga krisis gaya ng Covid-19 pandemic at ang krisis sa sibuyas.

Sinabi ni Soliman na kabilang sa kailangang suporta sa mga Civil Society Organizations ay ang pagpapalakas ng kanilang mental health.

“Care for the carers is essential for them to be able to do their jobs properly. They are frontliners and also need to be protected,” pahayag ni Soliman.

Punto din ni Soliman na kailangang magtulong ang pamahalaan at mga negosyo para ma-maximize ang mga resources, gaya ng People Survival Fund at tulong sa mga magsasaka, kaya panahon na para magkaisa.

Binigyang diin din ni Soliman ang kahalagahan ng CSOs pagdating sa pagbangon mula sa COVID-19 pandemic, sa pagsasabing makatutulong sila para mapaganda at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo, lalo na sa mahihirap na sektor.

“National and local levels of government can acknowledge the vital role of the CSO sector in the nation’s recovery from the pandemic,” punto pa ni Soliman.

Maaari rin aniyang gampanan ng civil society groups ang tinatawag na civic space sa mga lokal na pamahalaan, gaya ng Local Special Bodies, para makipagtulungan sa pamahalaan at mapalakas ang pagtugon sa pandemya at resulta nito.

Sa pamamagitan ng 12 national at regional networks nito na kumakatawan sa 1,600 Non Government Organizations, POs at kooperatiba, patuloy na nagpapalakas ang CODE-NGO para maimpluwensiyahan ang public policy, manguna sa civil society at mapalakas ang trabaho at social development sa bansa.