Nagkaroon ng pagkakataon si Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles na makaharap ang mga global senior government official sa kanyang pagdalo sa Global Government Summit (GGS) na idinaos sa bansang Singapore.
Tumayong host kasi ang Singapore Government sa nasabing two-day event, na inorganisa ng Global Government Forum nitong nakaraang Pebrero 1 at 2, 2023 kung saan tinalakay ang mga hamon na kinakaharap sa kasalukuyan ng civil service sa ibat ibang panig ng mundo.
Sa nasabing forum, nabigyan ng confidential at informal space ang mga participants para sa malaya nilang pagtalakay sa iba’t-ibang pananaw, karanasan, naging katagumpayan at kamalian, gayundin ang mas higit na mapag-aralan ang maaaring solusyon sa aspeto ng pagiging lingkod bayan.
Nagkaroon din ng bilateral meeting sa pagitan nina Singapore Civil Service head Leo Yip at Chairman Nograles at natalakay nila kung ano ang tungkulin at mandato ng kani-kanilang ahensiyang pinamumunuan.
Napag-usapan din nina Nograles at Yip ang iba pang posibleng magiging pagtutulungan at oportunidad sa pagitan ng Singapore at Pilipinas lalo na sa larangan ng digitization at digitalization.