-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko mula sa mga pekeng donation drive kasunod ng nangyaring magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, tatlong araw na ang nakakalipas.

Babala ng naturang opisina, posibleng samantalahin ng ilang grupo ang pangangailangan ng maraming apektado upang maglunsad ng mga pekeng donation drive at makalikom ng pondo para sa kanilang pansariling interest.

Paliwanag ni CICC Executive Director, Undersecretary Aboy Paraiso, nagiging modus ng mga naturang grupo ang paghikayat sa mga donor na magbigay na lamang ng cash, sa halip na in-kind donations.

Madalas ding ginagamit ng mga ito ang social media aniya para maabot ang mas maraming donor.

Ayon pa kay Paraiso, wala ding ilalabas na breakdown o resibo sa mga malilikom na donasyon at sa halip ay maglalaho na lamang ang mga ito, kapag nakalikom na ng pera na dapat sana’y magsisilbing donasyon sa mga residenteng apektado ng pagyanig.

Payo ni Director Paraiso sa publiko, pairalin ang zero trust policy para maiwasang mabiktima ng mga naturang scammer.