Inilahad sa ika-14 na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang listahan ng mga aktibidad na pinaggastusan ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.
Sa muling pagsalang sa witness stand ng testigo ng prosekusyon ngayong Martes, Agosto 11, na si Xylene Mae Del Ocampo, supervising auditor ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO), tumestigo siyang kabilang sa mga pinaggamitan ng kinukwestyong pondo ng OVP ay ang mga sumusunod:
December 13 – Partners Appreciation Night in Mandaluyong City
December 15 – Knights of Rizal Supreme Council – 60th Year of the Institute in Baguio City – Youth Campaign on Patriotism
December 17 – Christmas Activity in Happyland Tondo, Manila
- Christmas Activity and Exploration Meeting of Extension Office Brgy. 101 in Tondo, Manila
- Pasasalamat and Update Meeting of TODA in Barangay Batasan Hills Quezon City
- Pasasalamat and Consultation Meeting with TNVS Angkas and Food Delivery in Quezon City
- Pasasalamat and Update Meeting with PWD Sector in Quezon City
Kabilang din sa nakalista sa mga dokumento ay tree-planting activities, pamamahagi ng wheelchairs at medical missions.
Nabunyag sa pagdinig na isinagawa ang naturang mga aktibidad mula Disyembre 13-31, 2022, bago pa man mailabas o matanggap ang kaukulang cash advance noong Disyembre 21 para sa nasabing confidential funds, na paglabag sa panuntunan ng COA para sa confidential spending.
Sumang-ayon naman si Del Ocampo nang tanungin ni Presiding Officer Francis Escudero kung ang pondong inilabas noong Disyembre 21 onwards ay hindi maaaring gamitin para i-reimburse ang mga nagastos bago ang nasabing petsa. Ipinaliwanag pa ng testigo na ipinagbabawal sa joint circular ang paggamit ng confidential funds para i-reimburse ang expenses.
Sa kabatiran ng publiko, si Del Campo ang humalili sa pag-audit ng confidential funds ng OVP at Department of Education sa ilalim ni Duterte matapos ilipat noon ng branch si dating COA state auditor Roderick Wamil noong Pebrero 2024.
Sinabi ni Del Campo sa Senate Impeachment Court na nagsumite ang OVP ng tugon sa COA noong Marso 13, 2024 matapos isyuhan ng notice of suspension sa kanilang confidential fund.
Sa naturang tugon, inilakip ng OVP ang mga dokumentong sumusuporta sa 105 na aktibidad ng tanggapan mula Disyembre 13-31, 2022, para suportahan ang kanilang paggastos para sa cash advance noong Dec. 21-31, 2022 para bayaran ang mga impormante para sa kanilang information gathering at surveillance activities.
















