-- Advertisements --

Sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang fact-finding investigation sa kaso ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Dumalo sa unang case conference ng CHR si Roy Mabasa, na kapatid ng nasawing radio commentator.

Dito, tiniyak ng komisyon na nakatutok na ito sa kaso ni Lapid partikular na sa pagbibigay ng rekomendasyon kung sino-sino ang mga dapat na kasuhan sa Department of Justice (DOJ) o kung mayroon mang opisyal ng pamahalaan na sangkot sa kaso at dapat na mapanagot sa Ombudsman.

Inalok na rin ng CHR ang pamilya ng nasawing broadcaster na mapasailalim sa witness protection program ng komisyon lalo na at nakakatanggap na rin ang pamilya ng death threats.

Sinabi naman ni Roy Mabasa na may alok na rin sa kanila ang Philippine National Police (PNP) para mabigyan ng seguridad gayunman ay maingat pa itong ikinukunsidera ng pamilya.

Kasunod nito, hiniling naman nito ang kooperasyon ng iba pang ahensya sa ikinakasang imbestigasyon ng CHR.

Aniya, dapat na bigyan rin ng importansya ang misyon ng CHR upang maabot ang hinahanap na hustisya sa pagkakapaslang sa kanyang kapatid.