Nagsasagawa na ng independent motu propio investigation ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa mga karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata.
Nagpahayag din ng pagkabahala at kinondena ng komisyon ang pagdami ng insidente ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata at naninindigan sa panawagan ng kanilang pamilya para sa mabilis na pagkamit ng hustisiya.
Ayon sa CHR naitala ang mga insidente ng karahasan mula Marso 9 hanggang Marso 13 ng kasalukuyang taon.
Kabilang sa iniimbestigahan ng CHR ang kaso ng isang 67 anyos na si Maria Estrella Villastique na pinatay ng kaniyang sariling anak sa Pasig.
Sisiyasatin din ng CHR ang pagkamatay ng isang 22 anyos na biktimang si Kimberly Achas matapos na ito ay bugbugin at saksakin hanggang sa mamatay ng kaniyang sariling live-in partner sa Bukidnon.
Iniimbestigahan din ng komisyon ang pagpatay sa apat na magkakapatid na edad anim hanggang 14 taong gulang sa lalawigan ng Cavite. Pinatay ang mga biktim ng live-in partner ng kanilang ina.
Gayundin ang umano’y panggagahasa sa isang 13 anyos na estudyante ng kaniyang sariling lolo.
Kaugnay nito, hinimok ng komisyon ang pamahalaan na gumawa ng proctive measures para tugunan ang puno’t dulo ng karahasan gaya ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay at social exclusion upang matiyak na makakamit ang hustisiya ng lahat ng biktima ng pang-aabuso ng karapatang pantao.