ILOILO CITY – Bukas ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) hinggil sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa nangyaring noise barrage ng mga preso sa Iloilo District Jail- Male Dormitory sa Nanga, Pototan, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jairus Anthony Dogelio, spokesperson ng BJMP- Region VI, sinabi nito na pumunta na ang CHR sa Iloilo District Jail kung saan nakipagpulong sila sa mga preso at mga opisyal ng kulungan.
Ayon kay Dogelio, nakahanda rin sila na magbigay ng mga kakailanganin ng CHR.
Kasabay nito, nilinaw rin ni Dogelio na hindi totoo na hindi pinapakain ng tama ang mga preso na naging dahilan ng pagsagawa ng mga ito ng noise barrage at pag-akyat sa bubong ng kulungan.
Napag-alaman na maliban sa CHR, nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang Department of the Interior and Local Government hinggil sa pangyayari.










