Naglunsad na rin ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights sa posibleng paglabag sa karapatan ng mga inaresto at ikunulong na mga magsasaka, land reform advocates, miyembro ng media at mga estudyante noong nakalipas na June 9 sa Conception, Tarlac.
Sa isang statement, sinabi ni CHR Executive Director Jacqueline Ann de Guia na mayroon ding alegasyon ng physical at mental abuse, hindi makataong pagtrato sa detention facility at red-tagging na naranasan ng mga inaresto at ikinulong na mga indibidwal.
Ayon kay De Guia, sinimulan na ng Central Luzon office ng komisyon ang pagkalap ng impormasyon mula sa mga inarestong magsasaka at kanilang tagasuporta, sa mga farmers na naghain ng complaint at mula sa mga local police.
Nangako ang CHR na kanilang bubusisiing maigi ang lahat ng aspeto ng alegasyon sa paglabag sa karapatang pantao kaugnay sa naturang insidente at umaasang malinaw ang naturang isyu at makamit ang isang makatarungan at pantay na resolution sa kaso at maitaguyod ang paggalang at pagprotekta sa karapatan ng lahat.
Hinikayat din ng komisyon ang Department of Agrarian Reform na siyasatin ang naturang isyu.
Nauna ng isinisi ni DAR Secretary Reform Bernie Cruz sa mga makakaliwang grupo ang naturang insidente at ang pagkaaresto ng halos 90 indibidwal.
Magugunita, noong nakalipas na linggo inaresto ng kapulisan ang mga magsasaka at kanilang tagasuporta gayundin ang miyembro ng media na nagcover sa bungkalan o land cultivation sa Hacienda Tinang sa Conception, Tarlac dahil sa alegasyon ng malicious mischief at illegal assembly.
-- Advertisements --