Nakahanda ang Commission on Human Rights (CHR) na sampahan ng administrative o criminal charges ang mga pulis na umaresto sa isang community doctor kapag mapatunayang nagmalabis ang mga ito sa kanilang tungkulin.
Ayon kay CHR chairperson Lea Armamento, mayroon silang natanggap na impormasyon na hindi nakasuot nang kanilang uniporme ang mga pulis na gumamit din ng puwersa sa pag-aresto kay Dr. Maria Natividad Castro.
Iniimbestigahan aniya ng CHR sa ngayon kung nasunod ba ang wastong procedure sa pag-aresto kay Castro, na inaakuasahan sangkot sa kidnapping at serious illegal detention sa Caraga.
Ayon kay Caraga police chief Brig. Gen. Romeo Caramat Jr., sangkot si Castro sa pagdukot sa Civilian Active Auxiliary ng Philippine army noong Disyembre 29, 2918.
Nabatid na ang naturang 53-anyos na doktor, na inaresto sa San Juan City noong Biyernes, ay ang secretary general ng rights group na Karapatan sa Caraga region.