-- Advertisements --
ceralvo 2

ILOILO CITY – Iimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang nangyaring aerial attacks at itinuturing na indiscriminate bombings sa engkuwentro sa pagitan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sitio Burak, Barangay Alimodias, Miag-ao, Iloilo.

Sa naturang air strike ay siyam ang kumpirmadong namatay na mga rebelde.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jonnie Dabuco, Regional Director ng CHR Region 6, sinabi nitong magsasagawa sila ng motu proprio investigation upang matukoy kung may katotohanan ang claim ng militar na wala silang nilabag na international humanitarian law.

Inamin ni Dabuco na ilang grupo ang lumapit sa kanilang opisina upang ireklamo ang nasabing engkuwentro.

Pahayag ni Dabuco, nakipag-ugnayan na rin sila sa Philippine Army.

Tiniyak niya na iba-validate nila ang nangyaring sagupaan upang mapatunayan kung nakabase sa international humanitarian law ang military operation ng militar.