-- Advertisements --

Nangako ang Commission on Human Rights (CHR) na kanilang iimbestigahan ang pagkakapaslang ng isang pulis sa 52-anyos na babae sa Quezon City.

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, ang pagkakapaslang kay Lilibeth Valdez ng umano’y lasing na si Police Master Sergeant Hensie Zenampan sa isang tinahan kagabi ay labis na nakakabahala.

Inaasahan aniya ng lahat na ang mga pulis ang siyang magpoprotekta sa publiko at hindi ang manguna sa paglabag sa mga karapatang pantao, lalong lalo na ang pagpaslang.

Sa video na kalat na ngayon online, makikita ang pagbaril ni Zinampan kay Valdez.

Una rito, pinagbabantaan na raw ng pulis ang pamilya Valdez matapos na masangkot sa suntukan laban sa isa sa mga anak ng biktima noong Mayo.

Sa ngayon, hawak na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District sa Camp Karingal ang suspek.