-- Advertisements --

Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga opisyal ng pamahalaan na magbalangkas ng panuntunan para maiwasan ang “red-tagging” o pag-uugnay sa ilang indibidwal bilang kaanib ng mga komunistang grupo.

Sa isang panayam sinabi ni CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana, na mayroong ligal na proseso para masabing may koneksyon ang isang indibidwal sa mga komunista.

Pahayag ito ng opisyal sa gitna ng maingay pa ring usapin sa umano’y red-tagging ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. sa ilang personalidad tulad nila Liza Soberano at Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Nakakabahala raw na mismong opisyal na tulad ni Parlade ang kumakaladkad sa pangalan ng mga tao kahit wala namang malinaw na basehan o ebidensya.

Magugunitang nagsalita sa isang forum na inorganisa ng Gabriela Youth si Soberano. Nagpahayag siya ng kanyang pagsuporta sa mga karapatan at proteksyon ng mga kababaihan.

Makailang beses ding nagpahayag si Gray ng kanyang pag-suporta sa mga kababaihan at pagkontra sa harrassment.

Nauna nang pinagsabihan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana si Parlade. Ayon sa kanya, hindi patas ang pag-uugnay sa isang tao bilang kaanib o miyembro ng local terrorists nang hind napapatunayan.

Sa kabila ng mga kritisismo at payo mula sa publiko at mga kasamahan sa gobyerno, nagmatigas si Parlade na humingi ng tawad sa mga inakusahang personalidad.