-- Advertisements --

Kinumpirma ng Sri Lanka na nakatakdang dumating sa kanilang bansa ang Yuan Wang 5 ship na isang kontrobersyal na research at survey vessel ng international shipping and analytics sites.

Ito ay kahit na una na itong tinutulan ng karatig-bansa na India dahil sa pangambang ito ay dual-use ship na layuning mag-espiya sa kanila, gamitin ang Hambantota port malapit sa pangunahing ruta ng Asia-Europe shipping bilang isang military base, magsagawa ng space at satellite tracking, at may partikular na gampanin sa paglulunsad ng intercontinental ballistic missile.

Ayon sa harbour master ng Sri Lanka na si Nirmal P Silva, noong August 11 sana ang orihinal na schedule ng pagdating ng Yuan Wang 5 sa Hambantota port na pinapatakbo rin ng China ngunit nakatanggap aniya siya ng foreign ministry clearance para sa nasabing barko na may petsakng August 16 hanggang 22.

Habang sinabi naman ng mga port officials na noong Biyernes ng gabi ay nasa 1,000 kilometro (620 miles) na ng timog-silangan ng Sri Lanka ang nasabing sasakyang pandagat ng China na dahan-dahang patungo sa Hambantota deep sea port.

Pinaupahan ng Sri Lanka sa China ang nasabing daungan sa loob ng 99 na taon sa halagang $1.12 bilyon, mas mababa sa $1.4 bilyon na bayad nito sa Chinese company noong pinatayo nila ito.

Samantala, bilang pag-iingat at paghahanda naman ay sinabi ng foreig ministry ng New Delhi na magsasagawa sila ng close monitoring dito hinggil sa anumang epekto nito sa seguridad at pang-ekonomiyang interes ng India.

Nangako itong gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapanatili at mapangalagaan ang kanilang sariling pangkaligtasan laban sa pagpasok ng sasakyang pandagat ng China sa katubigan ng Sri Lanka

Matatandaan na ang dating presidente ng Sri Lanka na si Gotabaya Rajapaksa ay mayroong malaking pagkakautang sa China habang siya ay nanunungkulan pa bilang pinuno ng nasabing bansa mula taong 2005 hanggang 2015 bago ito tumakas patungong Singapore at magbitiw sa kaniyang pwesto nang dahil sa lumalalang krisis sa kanilang ekonomiya na nagdulot naman ng galit at pagkamuhi ng taumbayan.