-- Advertisements --

Arestado ang apat na Chinese nationals sa Puerto Princesa City, Palawan dahil sa umano’y panloloko ng mga ito para makakuha ng government IDs ayon sa Bureau of Immigration. 

Pinagtulungan ng Naval Forces West, National Intelligence Coordinating Agency 4B, at Armed Forces of the Philippines ang pag-aresto sa mga suspek. 

Namataan sa isinagawang operasyon ang iba’t ibang valid ID ng Pilipinas gaya ng driver’s licenses, postal ID, at birth certificate. 

Kabilang sa mga naaresto si Lyu Zhiyang na kilala rin sa alyas na Ken Garcia Lee. Siya ang itinuturong mastermind ng iligal na operasyon nila at kilala rin sa Palawan bilang fraud mafia leader. 

Pinaghihinalaan itong lider ng isang sindikato na nagbibigay ng illegally-obtained gov’t ID at documents sa mga alien at trafficking victims. Sila rin umano ang nasa likod ng pamamahagi ng Philippine IDs sa mga foreigners na nagpapanggap na mga Pilipino. 

Inilipat na ang apat na Chinese nationals sa pasilidad ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig at nahaharap sa kasong paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940. 

Dahil dito, muling nanawagan si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga local government unit na i-report kaagad sa BI ang mga kaso ng foreign nationals na nagsasagawa ng iligal na aktibidad sa kanilang lugar lalo na ang mga sangkot sa identity fraud.