Lapu-Lapu City- Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang Chinese national matapos maaresto ng National Bureau of Investigation – 7 dahil sa pagbebenta ng mga gamot na walang pahintulot mula sa Foods and Drugs Administration (FDA).
Nahuli si Ke Liangpeng “en flagrante delicto” na tumatanggap ng buy-bust money kapalit ng iniresetang antibiotic sa poseur buyer sa isinagawang operasyon sa Teakwood, Subdivision, Brgy. Soong, Lapu-lapu City.
Nasamsam ng mga otoridad ang ilang mga kahon ng unregistered at mislabelled na mga gamot na may mga markang Chinese characters. Tinataya namang nagkakahalaga ito ng aabot sa P10, 000,000.
Humantong din ang operasyon sa pagkatuklas ng mga hospital beds na ginagamit ng mga pasyenteng maysakit na nagpapagamot nito kung saan karamihan din ay mga Chinese.
Nahaharap si Ke sa kasong paglabag sa Food, Drugs and Cosmetics Act sa ilalim ng R.A. 3720 at Philippine Pharmacy Act sa ilalim ng R.A. 5921 dahil sa pagbebenta ng hindi rehistradong gamot mula sa FDA.
Maliban pa, nakatakda ring sampahan si Ke ng kasong paglabag sa Medical Act sa ilalim ng R.A. 2382.