
Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros sa kaniyang privilege speech sa Senado ang human trafficking scheme na kagagawan umano ng Chinese mafia na nagre-recruit ng mga Pinoy para magtrabaho bilang scammers sa Myanmar.
Ang pagsisiwalat na ito ng Senadora ay batay sa naging testimoniya ng 12 Pilipino na nasagip mula sa umano’y sindikato na nago-operate sa Myanmar.
Ayon kay Sen. Hontiveros, napangakuan umano ang mga ito ng trabaho bilang customer service representative o data encoder sa isang call center subalit pagdating ng mga ito sa Thailand kung saan nila inaasahan na magtratrabaho sana dinala sila patungo sa Myanmar ng Chinese mafia upang gawing scammer na gumagamit ng crypto currency.
Pagbubunyag pa ng mambabatas na hindi sila pinapakain, hindi binibigyan ng sweldo, o kaya naman ay ibinibenta sa ibang kompaniya o pinagbabantaan ang kanilang buhay kapag wala silang na-scam o nahuthutan sa pamamamagitan ng crypto currency.
Pagbubunyag pa ni Sen. Hontiveros ang pahayag ng mga biktima na nais ng sindikato na lahat ng kanilang marerecruit na scammers ay grupo ng mga Pilipino dahil na rin sa proficiency o galing sa wikang English.
Kaugnay nito, nanawagan ang mambabatas sa concerned government agencies na aksyunan ang naturang isyu upang maiwasan na mas marami pang mga Pilipino o tao sa iba’t ibang bansa ang mabiktima ng scam.










