Makikipagtulungan ang Chinese government sa Pilipinas sa pagsupil ng mga krimen na may kinalaman sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kung saan iginiit nito na ang gambling o pagsusugal ng Chinese citizens, online man o overseas ay maituturing na iligal.
Sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na handa ang gobyerno ng China na palakasin pa ang kanilang law enforcement cooperation sa ating bansa upang hindi maapektuhan ang interes ng Pilipinas kasabay ng pagprotekta sa kaligtasan at lehitimong karapatan at interes din ng kanilang mga mamamayang Chinese na nandito sa bansa.
Ginawa ng China ang naturang commitment kasunod ng pakikipagpulong ng Chinese ambassador kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kung saan kanilang natalakay ang usapin para maresolba ang POGO-related crimes.
Ito ay matapos na makarating sa Chinese government ang impormasyon kung saan karamihan sa mga krimen na target ang Chinese nationals ay may kaugnayan sa POGO.
Bagamat nasagip na ang ilang mga Chinese national at ilang POGO operations na rin ang pinasara, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng Chinese Embassy sa Manila sa Philippine law enforcement agencies para mautugunan ang naturang isyu.
Nangako naman si Justice Secretary Remulla ng patuloy na pagsupil sa mga iligal na aktibidad sa POGO at tutulong sa deportation ng mga perpetrators.