Nailigtas na ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) sa magkahiwalay na operasyon ang dalawang kidnap victims na isang Chinese at isang Taiwanese.
Arestado ang anim na Chinese national at isang Pilipino sa magkakahiwalay na insidente sa Makati City.
Iniharap sa media ang biktimang si Chen Liyong, 26, empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa ilalim ng Yong Cheng Premier Corporation sa Theater Drive, Carmona, Cavite.
Sa report ng PNP AKG, December 20 noong isang taon nang mapaulat na dukutin si Chen ng suspek na kinilalang si Yang Zhen kasama ang guwardyang kinilala na si Sergio Busuego Jr.
Ikinulong si Chen sa sarili nitong opisina kung saan, tinawagan ng suspek ang pamilya ng biktima para humingi ng ransom na nagkakahalaga ng 50,000 rmb o katumbas ng mahigit P300,000.
Ganito rin ang nangyari sa Taiwanese national na si Shih Su Yuan, 36, na dinukot ng limang Chinese sa Camino Street, Guadalupe, Makati dakong ala-1:00 ng hapon nitong Enero 2.
Ayon kay Lt. Col. Dexter Versola ng PNP Anti-Kidnapping Group, nakatanggap sila ng tawag mula sa Taiwan Economic and Cultural Office hinggil sa nangyari kay Shih.
Dahil dito, agad nagkasa ng operasyon ang AKG na nagresulta sa pagkaka-rescue ng biktima at napigilan ang tangkang paghingi ng pera ng mga suspek sa pamilya nito na nakabase rin sa China.
Kasalukuyang nasa PNP General Hospital sa Camp Crame ang biktimang si Shih dahil sa nakaranas ito ng pagsusuka ng dugo sanhi ng ginawang pambubugbog sa kaniya ng mga suspek.