-- Advertisements --
Untitled

Nanawagan si dating Senador Richard Gordon sa pamahalaan na palakasin ang puwersa, kasunod ng kamakailang pagharang at pagkakabundol ng Chinese Coast Guard vessel sa Philippine boat na papunta sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Gordon, dapat manindigan ang Pilipinas kontra sa China at protektahan ang integridad ng ating teritoryo.
Ang aksyon ng China ay malinaw aniyang krimen ng agresyon sa ilalim ng Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).
Binigyang diin ng dating mambabatas na nanindigan ang Indonesia sa China nang sinunog nila ang mga bangkang pangisda ng Tsino at tulad din ng ginawa ng Argentina.
Ang 2016 ruling ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) Arbitral Tribunal ay malinaw na ipinahayag na ang Mischief Reef at Second Thomas Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas.
Dagdag pa nito, mayroon tayong mga karapatan sa Ayungin Shoal, alinsunod sa soberanya, dahil ito ay nasa ating teritoryo.
Ang paggigiit ng ating mga karapatan sa soberanya sa ating karagatan ay hindi mangyayari sa magdamag, ngunit nasimulan na natin ito at dapat lamang na magpatuloy.
Para kay Gordon, kaaalinsabay ng pagpapalakas ng ating ekonomiya, dapat na isabay ang paglilinis sa gobyerno at magkaroon din naman ng steel mill na makakapag-supply ng pagtatayo ng mga coast guard vessels, upang hindi tayo maging dehado.