-- Advertisements --

Nagbabala si Senator Imee Marcos na posibleng lumala ang naitatalang kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan dahil na rin sa banta ng bagong coronavirus strain.

Ayon sa senador, sa oras na biglang tumaas ang infection rate sa bansa matapos ang holiday season ay posible ring palawigin pa ang community quarantine at magiging dahilan naman sa pagbababad ng kabataan sa internet.

Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng agarang imbestigasyon sa tumataas na kaso ng pang-aabuso simula noong magsimula ang lockdown halos isang taon na ang nakararaan.

Noong Huwebes ay naghain si Marcos ng Senate Resolution 604 para i-follow up ang kaparehong panukala na inihain nito noong Agosto 2020.

Dahil daw sa delay ng face to face classes ay magpapatuloy ang paglutang ng mga grade school at high school students na nagiging biktima ng mga local at foreign sexual predators na naglipana sa internet.

Magugunita na naglabasan ang mga ulat na may ilang estudyante na nagbebenta ng kanilang mga nude photos at videos upang makabili ng gadgets o gamiting pambayad ng kanilang internet bills para sa online learning.

Nagkakahalaga umano ng P150 ang “Christmas bundle” sale na ito noong nakaraang taon.

Dagdag pa ng senadora na ang 156.1% na pagtaas sa naturang suspicious transactions na may kaugnayan sa pagbebenta ng child pornography sa internet y katumbas ng 27,217 noong first half ng 2020 mula sa 10,627 noong 2019.

Nabatid na 68% ng nasabing transaksyon ang galing sa international remittances mula Estados Unidos, Australia, Canada, Saudi Arabia, United Kingdom, Norway, United Arab Emirates, Korea at Singapore.

Habang ang mga local recipients naman ay nanggaling sa Pampanga, Cebu, Bulacan, Cavite at Quezon City.