LAOAG CITY – Agad na inilipat ng assignment si Police Master Sergeant Kenneth Matute matapos inireklamo ng kanyang mga kapwa pulis na nakatalaga sa Carasi Municipal Police Station.
Base sa report, kinumpronta at nagkasa ng baril si Matute sa harapan nina Police Staff Sergeant James Herbet Pascua at Corporal Artemio Magaoay Jr. dahil sa galit.
Umano’y nagsisisigaw ni Matute ng mga hindi mamagandang salita sa mga kapwa niya pulis.
Sa panayam kay Police Lt. Ceasar Mangaoil, OIC ng PNP Carasi, bago nangyari ang insidente ay gumawa ng bagong schedule para sa mga personnel hinggil sa sitwasyon ng COVID-19.
Aniya, nagkasagutan pa umano ang mga personnel sa isang Group Chat tungkol sa schedule.
Matapos malaman ni Mangaoil ang pangyayari ay nag-imbestiga ito at ang isang nakitang dahilan ay umano’y hindi nagustuhan ni Matute ang kanyang schedule at umanoy hindi sila pareho ng schedule ng kanyang asawa.
Base sa report, ang asawa ni Matute ay si Police Staff Sgt. Diana Matute na nakatalaga din sa Carasi Municipal Police Station, kasama na rin ang mag-asawang sina Police Senior Master Sergeant Jun Agtarap at Police Master Sergeant Shieramae Maryzol Agtarap.
Kinumpirma ni Mangaoil na inilipat din si Magaoay sa Motorsycle Patrol Unit ng Ilocos Norte Police Provincial Office habang si Matute a itinalaga sa 1st Maneuver Company sa Provincial Mobile Force Company (PMFC).