Inaprubahan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang aplikasyon ng Samar State University para makapag-operate ng medical degree program.
Bunsod nito, maaari ng mag-alok ang unibersidad ng Doctor of Medicine program sa kanilang Samar Island Institute of Medicine, kayat ito na ang ika-20 public university sa Pilipinas na nag-aalok ng medical program para sa underprivileged students.
Ayon kay CHED chairman Prospero de Vera III, ang naturang development ay alinsunod sa ‘Doktor para sa Bayan” law na layuning madagdagan pa ang bilang ng mga doktor na magseserbisyo sa mga malalayong lugar sa pamamagitan ng paglikha ng medical scholarship at return service program para sa mga kwalipikadong estudyante sa state universities o partner private higher education institutions sa mga rehiyon na walang mga medical course.
Nagpasalamat naman si SSU President Marilyn Cardoso sa pag-apruba ng CHED ng kanilang medical program na nagpapakita aniya ng mahalagang milestone sa kasaysayan ng kanilang unibersidad.
Sa ngayon, nasa 8 state universities and colleges na ang mayroong medical schools sa Luzon, 5 sa Visayas at 7 naman sa Mindanao.
Umaabot naman sa mahigit 2,000 mahihirap na aspiring doctors ang kasalukuyang mayroong scholarships sa public at private partner medical schools sa bansa sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan law.