CAUAYAN CITY – Iimbestigahan ng Commission on Higher Education (CHED) region 2 ang isang kolehiyo sa Cauayan City na nagsagawa ng face to face classes.
Ito ay makaraang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) si patient CV 969 na kumukuha ng earning units ng education sa nasabing kolehiyo na nasa District 2, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Julieta Paras, Regional Director ng CHED Region 2, nakarating sa kanilang tanggapan ang nasabing pangyayari at nagsimula na sila ng pagsisiyasat.
Sinabi ni Dr. Paras na kinakailangan nilang magsagawa ng pagsisiyasat dahil wala pa silang pinapahintulutan na paaralan dito sa Region 2 na magsagawa ng face to face classes.
Malaki aniya ang pananagutan ng paaralan kapag kumalat ang virus sa nasabing kolehiyo.
Sa lalong madaling panahon aniya ay ilalabas ang resulta ng kanilang pagsisiyasat.
Isang kawani ng City Health Office Region (CHO-2) si patient CV 969 na kumukuha ng earning units ng education nasabing kolehiyo.
Sinikap ng makuhanan ng Bombo Radyo Cauayan ng pahayag ang pamunuan ng nasabing kolehiyo ngunit hindi na nagbigay ng anumang impormasyon.