VIGAN CITY – Binigyang-diin ni dating Ilocos Sur Governor na ngayo’y Narvacan Mayor Luis Chavit Singson na sa ngayon ay tinitignan niya ang posibleng pagbibigay rin niya ng pabuya sa mga iba pang atletang nakakuha ng gold medal sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games maliban sa mga miyembro ng Philippine National Shooting Association.

Maaalalang ipinangako ni Singson sa mga atleta ng PNSA na kung sino man sa kanila ang makakakuha ng gold medal ay bibigyan niya ito ng P250,000 bilang pabuya sa kanilang pagkapanalo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan sa dating gobernador, sinabi nito na malaki ang tiwala niya na sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga atleta ng kanilang reward ay magsilbing inspirasyon sa kanila upang maipagpatuloy at maibahagi ang kanilang galing sa mga iba pang atleta sa bansa.

Maliban pa rito, iginiit rin niya na ang pakikibahagi nila sa SEA Games ay magandang simula para sa kanila at makakatulong din aniya para sa tuloy-tuloy na pag-unlad sa larangan ng sports sa bansa.