Reading Time: 1 minute

Hinihintay na ngayong araw ang paglagda ng Department of Justice (DoJ) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa report o rekomendasyon ng committee na nag-review at bumalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) ng good conduct time allowance (GCTA) Law.

Sinabi ni DoJ spokesperson at Usec. Markk Perete, sa kasalukuyan ay pinaplantsa na lang ang isasagawang ceremonial signing nina Justice Secretary Menardo Guevarra at DILG Secretary Eduardo Año.

Sinabi ni Perete na kailangan lang munang rebisahin ang nasabing report o rekomendasyon bago ito tuluyang lagdaan ng dalawang opisyal.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Guevarra na kapag na-review na nila ito ni Año ay saka pa lamang nila ito lalagdaan para maipublish bago ipatupad.

Dakong alas-3:00 mamayang hapon magsasagawa si Guevarra ng press conference kaugnay ng isyu.