Naitabla na ngayon ng Boston Celtics ang serye sa tig-dalawang panalo matapos na masilat ang defending champion na Milwaukee Bucks sa score na 116-108, sa Game 4 ng NBA semifinals sa Eastern Conference.
Sumandal ang Boston sa fourth-quarter comeback sa pamamagitan nang pagsasama ng puwersa nina Al Horford at Jayson Tatum na nagtala ng kabuuang tig-30 points.
Liban nito, si Tatum ay meron ding 13 rebounds at five assists na bumawi sa mahinang performance nitong nakalipas na Game 3 na meron lamang siyang 10 puntos.
Nag-ambag din naman sina Jaylen Brown at Marcus Smart ng parehong 18 puntos para sa Celtics.
Sa panig ng Bucks nasayang ang ginawa ni Giannis Antetokounmpo na may 34 points, 18 rebounds at five assists sa kanyang all-around game.
Sa Huwebes na gaganapin naman ang Games 5 sa kanilang best-of-seven series.