CAUAYAN CITY – Nilooban ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang boarding house sa Mabini Street, District 1, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktimang si Josh, sinabi niyang naiwan nilang nakabukas ang pintuan sa harap ng kanilang boarding house.
Aniya, screen lamang din ng kanilang kuwarto ang nakasara kaya madali itong nabuksan ng magnanakaw.
Ginunting ng pinaghihinalaan ang isang bahagi ng screen at inabot ang lock, at pasimpleng pumasok sa kanilang kuwarto.
Kinuha nito ang cellphone ng biktima at ang laptop ng kanyang kaibigan bago tumakas.
Hinala ng biktima posibleng pasado alas-2 ng madaling araw nang nangyari ang pagnanakaw dahil dito umano nag-ingay ang mga aso at mag-aalas-6 na ng umaga ng madiskubre niya na nawawala na ang kanyang mga gamit.
Aniya, hindi niya rin namalayan na pinasok na pala siya sa kanyang kuwarto dahil mahimbing ang kanyang tulog noon at umuwi din ang kanyang mga kasama.
Inihayag naman ni Barangay Kapitan Esteban Uy ng Brgy. District 1, na tiningnan na nila ang kuha ng mga CCTV camera sa lugar subalit hindi umano nahagip ang pinaghihinalaan.
Aniya, ito ang unang beses na nangyari ang naturang pagnanakaw kaya hinala niya na posibleng taga doon lang din ang suspek.
Posible rin umanong natiktikan ang mga biktima dahil alam ng mga ito kung paano buksan ang pintuan at tulog ang mga tao sa boarding house ng mga oras na isagawa ang pagnanakaw.
Sa ngayon ay patuloy ang pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station sa naturang pagnanakaw.