Nakatakdang bibisita sa susunod na linggo si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia sa National Coast Watch Center ng Philippine Coast Guard nitong lungsod ng Cebu upang tingnan kung ano pa ang pwedeng magawa upang dagdagan ang kahusayan ng mga otoridad sa paglaban sa illegal drug trafficking.
Napagkasunduan sa pinatawag na pagpupulong ni Garcia kasama ang opisyal ng iba’t ibang ahensya na i-imonitor ng One Cebu Inter-Agency Interdiction Task Force (OC-IAITF) ang mga kahina-hinalang aktibidad ng mga offshore vessel at yaong dumadaong nang walang kinakailangang papeles.
Napag-alaman kasi na may mga dumaong na sasakyang pandagat dito na walang ipinapakitang dokumento gaya ng Notice of arrival.
Maliban dito, iniulat din ng mga opisyal ng pantalan na may kahina-hinalang sasakyang pandagat na pinatay ang kanilang Automatic Identification system (AIS) transponders kapag papasok na sa teritoryo ng lalawigan.
Ito ay isang kagamitang pandagat ng isang barko na nagbibigay ng posisyon, pagkakakilanlan at iba pang impormasyon sa mga awtoridad at iba pang mga kalapit na barko.
Tiniyak naman ng Coast Guard District Central Visayas na kahit patayin ng mga sasakyang pandagat ang kanilang mga transponder, mayroon pa rin silang mekanismo upang matukoy ang lokasyon ng mga barkong ito.
Kaugnay nito, nakatakdang maglabas ng Executive order si Garcia na maglalatag ng mga protocols para sa mga barkong dumadaong sa pribado at pampublikong daungan sa lalawigan.