DAVAO CITY – Pinaalalahanan ngayon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head Alfredo Baluran ang mga residente sa lungsod lalo na ang mga naninirahan sa flood and landslide prone areas na manatiling alerto sa epekto ng Bagyong Bising.

Ayon kay Baluran na nakahanda na ngayon ang iba’t ibang rescue team ng lungsod at mga evacuation center kung sakaling makaranas ng pagtaas ng tubig ang mga ilog lalo na ngayon na ramdan na ang mga pag-ulan sa siyudad.

Pinayuhan rin ngayon ng opisyal ang mga naninirahan malapit sa Davao river na agad lumikas para hindi malagay sa alanganin ang sitwasyon lalo na at kabilang ngayon ang Davao sa mga isinailalim sa signal number 1.

Sinabi rin ni Baluran na ngayon pa lamang ay nagsasagawa na sila ng pagbisita sa mga naninirahan sa flood prone areas para agad na makapaghanda ang mga ito.