Muling nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa lahat ng nananampalataya na huwag magpapakampante laban sa coronavirus disease kahit pa dinagdagan na ang bilang ng mga tao na papayagang makapasok sa loob ng simbahan.

Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Public Affairs Committee, na dapat ay palaging itatak sa isip ng mga Pilipino na nananatili pa rin ang banta ng nakamamatay na virus sa bansa.

-- Advertisement --

Hindi pa rin aniya ligtas ang lahat mula sa COVID-19 kung kaya’t doble ingat pa rin dapat ang lahat.

Simula ngayong araw, ang mga simbahan sa National Capital Region (NCR) at maaari nang magpapasok ng hanggang 50 porsyento ng kanilang worshippers capacity.

Ito’y matapos luwagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kasalukuyang limit na 30 percent ng capacity para sa mga simbahan na nasa general community quaratine (GCQ) areas.

Pinayagan na rin ang pagbubukas ng mas marami pang negosyo tulad ng sinehan, museums, at tourist places tulad ng theme parks at historical landmarks.