-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Muslim leaders ang pagpapasabog sa kasagsagan ng misa sa Mindanao State University gymnasium sa Marawi city.

Sa hiwalay na pahayag, nagpahayag ng pighati ang CBCP sa deadly attack na tinarget ang mananampalatayang Katoliko at piniling isagawa ng mga salarin ang pagpapasabog sa mismong unang linggo ng Adbieynto.

Ayon kay CBCP President Bishop Pablo Virgilio David, ang ganitong karahasan ay hindi lamang dapat tuligsain, ito ay dapat ding talikuran bilang paraan ng paghingi ng kabayaran sa bawat Pilipinong nagsusulong sa kapayapaan.

Pinagtibay din ng CBCP ang kanilang walang patid na commitment para sa kapayapaan at pagtutol sa karahasan.

Para naman sa Muslim religious leaders partikular na ng United Imams of the Philippines, tinawag ng mga ito ang bombing attack sa unibersidad bilang paglabag sa lahat ng mga pamantayan ng tao at Islam at tinukoy ang mga talata sa Quran na nagbabawal sa lahat ng uri ng pag-atake sa mga inosenteng mamamayan.

Anuman aniyang pag-atake sa mga inosenteng mamamayan ay labag sa Shari’a o batas ng Islam at dapat protektahan ng mga Msulim ang buhay, dignidad at pagmamay-ari ng mga sibilyan at non-combatants.