-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Alan Peter Cayetano na magiging patas ang Kamara sa pagtalakay sa franchise renewal ng ABS-CBN Corp.

Pero sinabi ni Cayetano na tatapusin muna nila ang ratification ng proposed P4.1 trillion national budget para sa susunod na taon bago ibalin ang kanilang focus sa iba pang mga panukalang batas tulad ng sa prangkisa ng ABS-CBN, na nakatakdang mapaso sa Marso 30, 2020.

“Pero ako naniniwala na ‘yung management n’yo ay determinado na harapin ‘tong mga issues na ito at makahanap ng resolution. So, hindi naman ako makasagot sa inyo ng definite ngayon na definitely hindi, o definitely maibibigay,” ani Cayetano.

Iginiit din ng kongresista ang kahalagahan ng pangangalaga sa free press sa Pilipinas.

Nabatid na sa ngayon pending pa rin sa committee on legislative franchises ang panukalang magre-renew sa prangkisa ng ABS-CBN mula noong Nobyembre 16, 2016.

Hindi inaprubahan ng komite ang naturang panukala hanggang sa matapos ang 17th Congress.

Sa ngayon, hindi pa rin naaksyunan ang panukalang ito sa ilalim ng liderato ni Cayetano.