-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin si Speaker Alan Peter Cayetano sa publiko hinggil sa issue pa rin sa speakership post sa Kamara.

Sa kanyang talumpati sa plenaryo ng Kamara kahapon, humingi ng paumanhin si Cayetano dahil nadadamay ang deliberasyon sa 2021 proposed national budget sa gitna ng girian sa term-sharing agreement nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

“I’m sorry to our people that we had this at this time. Kung sumunod lang siya (Velasco) sa usapan na November ang palitan, kung marunong lang siyang magbilang na hanggang October talaga ako, e ‘di wala sanang problema,” ani Cayetano.

“Pero masyado nang atat na pumunta dito, wala namang may akalain na magkaka-COVID,” dagdag pa nito.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Velasco noong nakaraang linggo kay Pangulong Duterte at sa publiko dahil sa gusot pa rin sa speakership post.

Pero ayon kay Cayetano, “hilaw” at “insincere” umano ang apology ni Velasco dahil patuloy pa rin ang banat at pag-iintriga nito sa budget para sa susunod na taon.