Hindi na kailangan pa na manghimasok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa issue sa speakership post, ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Iginiit ni Cayetano na makailang ulit na rin namang tiniyak nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na kanilang gagalangin ang term-sharing agreement na inayos mismo ni Pangulong Duterte.

Ito ay matapos na ituro kamakailan ni Cayetano si Velasco na siyang nasa likod umano ng ouster plot laban sa kanya makaraang isumbong ng 20 kongresista ang pag-alok sa kanila ng posisyon at dagdag sa budget allocation.

Ayon kay Cayetano, tigilan na ang mga paninira at pag-iintriga, at ituon na lamang ang kanilang atensyon sa kanikanilang mga trabaho.

Gayunman, umaasa ito na sa kanyang pagbaba sa speakership post sa Oktubre ay hindi magkaroon ng rigodon sa committee chairmanship alinsunod na rin sa kanilang napagkasunduan sa simula pa lamang nang pagbubukas ng 18th Congress.

-- Advertisement --