-- Advertisements --

Ayaw nang suportahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukalang magbibigay ng “special powers” kay Pangulong Rodrigo Duterte para mapabilis ang mga Build Build Build Projects ng pamahalaan.

Sa ambush interview kay Cayetano matapos na dumalo sa top management meeting ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa Tagaytay, iginiit ng lider ng Kamara na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang may-ayaw na bigyan pa siya ng Kongreso ng special powers.

“I am a believer in the special powers or in the emergency powers. I filed that bill in the Senate. However, I am going to give those members who filled the bill, including Congressman Joey who is very diligent, a call because the president already said na ayaw na niya ng emergency o special power,” ani Cayetano.

Balewala na rin ito ayon sa kongresista dahil noong mga unang buwan na hinihiling ang emergency o special powers ay hindi ito ibinigay kay Pangulong Duterte.

Mas kailangan ayon sa Ehekutibo ang special power sa panahon kung saan mayroong tunay na emergency para maging epektibo ang implementasyon nito.

Dahil dito, sinabi ni Cayetano na papayuhan na lamang daw niya ang mga kapwa niya kongresista na mag-focus na lamang sa Build, Build, Build Program at sa pag-develop na rin sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

Ito aniya ang nakikita niyang long-term solution para maibsan ang ilang problema ng pamahalaan, kabilang na ang sa trapiko.

Magugunita na kamakailan lang ay inihain ni Albay Rep. Joey Salceda ang House Bill 5456 na layong bigyan ng special powers si Pangulong Duterte para alisin ang mga hadlang sa mga Build Build Build Projects katulad na lamang ng right of way issues at mabagal na procurement process.