Posibleng tumakbo para sa minority leadership si House Majority Leader at Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro, habang si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab naman ay maaring uupo bilang chairman ng makapangyarihang appropriations committee.
Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na sa kanilang pagpupulong kasama ang iba pang mga kongresista na taga-suporta ni Leyte Rep. Martin Romualdez para sa speakership race, si Casro ang nanguna sa “dissenting voice” sa kung ano ang dapat na susunod nilang gagawin pagaktapos na iendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano para maging Speaker.
Ayon kay Salceda, sa tingin niya nais daw ngayon ni Castro na makalikom ng sapat na boto para mahalal siya bilang minority leader.
Samantala, iginiit naman ni Salceda na si Ungab, na nauna nang inendorso ng presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ay posibleng makakakuha ng chairmanship ng appropriations committee.
Bagamat magkakaroon ng term sharing sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, hindi naman ito aniya ang magiging siste para sa committee level.
Magugunitang si Castro ay nahalal bilang majority leader noong Enero para palitan si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya sa gitna ng imbestigasyon ng huli sa umano’y mga anomaliya sa pambansang pondo.