-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nangako ang Department of Tourism (DoT) na rerepasuhin ang carrying capacity sa Isla ng Boracay gayundin ang muling pagbabalik ng direct flights sa Kalibo mula sa Singapore.

Ang naturang mga isyu ay ipinaabot ng Tourism Congress of the Philippines (TCP) sa pakikipagpulong kay Tourism secretary Christina Frasco.

Ayon kay TCP vice president for Visayas Peter Tay na nakabase sa Boracay na hindi pantay ang ipinapatupad na carrying capacity sa available na room accommodations sa isla na nasa 12,000 hanggang 14,000.

Nabatid na itinakda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang carrying capacity sa 19,215 na turista bawat araw o nasa 6,405 na arrivals bawat araw batay sa average na tatlong araw na pananatili sa isla.

Maliban dito, umapela rin ang TCP sa posibleng muling pagbubukas ng direct flights sa Kalibo patungo at palabas ng Singapore.

Sinabi ni Tay na ang Singapore ay maituturing na gateway para sa maraming mga bansa dahil sa kanilang strategic location.

Ipinangako umano ng sekretaryo na makikipag-usap ito sa mga airline companies ukol dito.

Sa kasalukuyan, may dalawang airline companies ang may direct flights sa Boracay mula sa South Korea sa pamamagitan ng Kalibo International Airport.

Nagpahayag rin umano ng interes si Secretary Frasco na bibisita sa Boracay.