-- Advertisements --

Pinasosolusyunan ni Senator Win Gatchalian sa Department of Transportation (DOTr) at toll operators ang nararanasang traffic sa expressways dahil sa napaka-habang pila ng mga sasakyan na naghahabol magpakabit ng Radio-Frequency Identification (RFID) sticker installation.

Inirekomenda ni Gatchalian na magtayo pa ng karagdagang installation sites para ma-accomodate ang lahat ng motorista na mag-eenroll sa electronic toll collection (ETC) system, para maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko.

Sa mga nagdaang araw, karamihan umano ng mga commutters na uuwi sa Valenzuela City ang nagtiis sa halos tatlong oras na traffic sa North Luzon Expressway (NLEX).

Dahil ito sa mga motorista na na-stuck sa mga toll booths dahil paulit-ulit na palyado ang RFID sensor nito.

Ayon kay Gatchalian, dapat siguruhin ng mga toll operators na maayos ang mga RFID sensors at kaya nitong basahin ang bawat sticker sa mga kotse na dadaan sa tollgate.

Naniniwala rin umano ang senador na kailangang ipatupad ang cashless toll collections system sa mga expressways dahil sa coronavirus pandemic, subalit hindi aniya dapat hayaan na maipit sa traffic ang mga motorista dahil mahalaga ang bawat segundo.

Base umano sa pag-aaral, bilyon-bilyong halaga ang nawawala dahil sa traffic congestion. Nakasaad sa Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2017 survey na ang problema sa trapiko sa Metro Manila ay nagdulot ng P3.5 billion lost opportunities kada araw.

Tinataya rin sa naturang survey na aabot pa ng P5.4 billion kada araw sa 2035 ang mawawala sa ekonomiya ng Pilipinas kung hindi pa rin masosolusyonan ang problema sa trapiko.